IKAWALONG PANGKAT



Pag-iikot sa Tutuban, Divisoria
KATAKAM-TAKAM
Street Food Sa Divisoria
Mahilig ka ba sa street foods? Kung oo ang sagot mo ay pareho tayo. Ang street food ay isang klase ng pagkain na nabibili sa kalsada o ibang pampublikong lugar tulad ng palengke. Ito ay mga pagkaing dapat makonsumo kaagad. Kadalasan ay kinakain ito tuwing meryenda ngunit maaari rin itong gawing ulam sa hapunan. Tila may kakaibang sarap na taglay ang mga pagkaing ito kaya patok na patok ito sa panlasa ng mga Pilipino. Marami sa amin ay nakaranas ng kumain nito sa kalye ngunit hindi sa lugar na matatao at kung saan laganap ang pagbenta nito tulad sa Divisoria. Kapansin-pansin na din na marami na ang mga balita na ipinasara at hindi na pinayagan magbenta ang mga tao dahil sa kadahilanang ito raw ay madumi at maraming estudyante ang nagkakasakit. Sa mga nasabing kadahilanan, ninanais ng grupo namin na tumungo sa Divisoria upang magsaliksik sa problema sa sanitaryo at kalinisan ng mga street food o pagkaing kalye at ano ang bunga nito sa ating kalusugan.

ISYU NG KALINISAN SA DIVISORIA
KALINISAN
Ang Divisoria ay sikat na lugar sa Binondo Manila kung saan maaaring makapagbili ng iba't-ibang mga produkto na kinakailangan natin sa pang-araw-araw na pamumuhay, mapaimported man o local sa mas mababang presyo. Madami ang dumadayo kaya naman sari-sari din ang mga pagkain ang mahahanap dito, iba’t-ibang mga mura pero masarap gaya ng street food. Ngunit, dahil sa dami ng taong na nagdadagsaan ang sanitaryo ng lugar at kalinisan ng mga pagkain doon ay nakokompromiso. Ilan sa mga pagkain na street food ay Kwek-kwek, Buko Juice, Chicken Balls, Atay ng baboy, Proben at ibp. Sa aming naobserbahan kakaunti lamang ang may mga sariling basurahan at halos lahat ng mga nagtitinda ay nasa gilid ng kalsada na dinadaanan ng mga mauusok na sasakyan. Bukod doon maraming mga tindahan din ang mga walang takip ang mga tinda.
​


Tunay nga na napakamura at nakakatipid ang mga pagkaing ito subalit nakakabuti ba ito sa ating kalusugan? Tignan natin ang sitwasyon sa pinakadagsain na lugar sa Metro Manila, ang Divisoria kung saan laganap ang mga street food.
​


Karaniwang araw sa Divisoria.
Buko Juice- pamatid uhaw
Kwek kwek - Nilagang itlog ng pugo na binalutan ng harina na may halong food color.
Chicken Ball- pritong karne ng manok

Malulutong na pritong IUD, Kalamares at Betamax
Atay ng Baboy

Litid ng Baka na isinasawsaw sa minatamis na suka
Ang mga nasa larawan sa itaas ay iilan lamang sa mga pinakasikat na kinakain ng mga mamimili. Sa halagang 5php (o mas mababa) ay maari ka nang makabili nito. Ito ay malaking tulong sa pamumuhay ng mga nagtitinda dahil ito ang nagsisilbing hanap buhay nila kung saan hindi nila kinakailangan maglabas ng malaking puhunan. Kung mapapansin mo ito ay tinatangkilik dahil masarap na, mura pa. Ang pagiging malikhain ng mga Pilipino sa pagtitinda nito ang nagbibigay buhay at ngalan sa mga pagkaing kalye ngunit dapat hindi din isinasantabi ang isyu ng kalinisan sapagkat ebidente namang makikita na may mga nagtitinda na madumi ang paligid pati ang pagkagawa ng mga pagkain na nagdudulot ng masamang epekto sa ating kalusugan.

Basang daanan at hindi maayos na pagsinop ng mga Chicken Ball na hindi pa nailuluto.
KALUSUGAN
Ang Ugnayan ng Isyu ng Street Food sa Divisoria at Sanitasyon sa Diskurso
Kaligtasan ng mamimili ang dapat pangunahing tinitignan at binibigyang pansin. Isang aspeto ng kaligtasan ay nagsisimula sa malinis na pagkagawa o luto ng mga pagkain.
​
Batay sa mga litrato na nakuhanan namin, kitang kita ang karumihan ng paligid na puro putik at ang lugar ay lantad mula sa usok ng mga behikolo. Ang usok ng mga ito ay nagtataglay ng Carbon Monoxide na may masamang epekto sa kalusugan dahil tinatanggal nito ang Oxygen sa dugo na kinakailangnan ng ating mga organs. Dahil dito kumakapit ang mga ito sa mga street food at nagiging taga-pagpadala ng dumi sa katawan.
Isa rin sa mga problemang bumungad sa amin kung saan dagsa ang mga kumakain ay maraming basurang nakatabi sa gilid ng mga tindahan at pati sa lugar kung saan sila nagluluto. Bukod doon madami rin ang nakapwesto sa tabi ng umaapaw at bukas na kanal kung saan umaalingasaw ang amoy ng putik. Ang amoy ay dumidikit at sumasama sa pagkain. Ang mga langaw na mula sa basura ay maaari ring dumapo sa mga street food na may dalang maduduming bakterya. Ilan sa mga bakterya ay ang E.coli , S.aureus, Strep.aureus, Salmonella, at iba pa. Ang presensya ng mga bakteryang ito ay maaaring suriin gamit ang laboratoryang metodo na gram staining. Itong mga bacterya na ito ay pwedeng magdulot ng sakit sa tiyan, diarrhea, pagsusuka, pagsakit ng ulo, at iba pang mga sakit. Bukod diyan, maaari ding magkaroon ng epidemiya o isang malawakang paglitaw ng isang nakakahawang sakit sa isang komunidad. Marami ring tindahan sa kalye kung saan maraming mauusok na sasakyan ang dumadaan. Nakakapekto ito sapagkat hindi nakatakip ang mga itinitinda. Ang nakakagulat at nakakabahala pa ay noong bumili kami ng litid ng baka sa isang tindera ay pinalo-palo niya ang aming perang ipinambayad at iyon daw ay pampabwenas.
Kalat-kalat na sa Basura sa tabi ng tindahan ng Bitsu Bitsu

Kalat-kalat na basura sa tabi ng tindahan ng Bitsu Bitysu
Dinudumog din ng maraming mamimili ang mga masasarap na pritong betamax, pritong IUD, chicken skin at iba pa na mayaman sa kolesterol na sinasawsaw sa suka. Dahil marami ang kumakain sinubukan ng tatlo sa aming grupo na kumain ng isaw dito at napansin namin ang kakaibang lasa- malansa at mapait kung ito ay aming ilalarawan. Muntik pa naming iluwa ito dahil kakaiba talaga ang lasa ngunit kami ay nahihiya sa nagtitinda at mukha namang nakakabastos kung ipapakita namin sa harapan niya iyon. Napansin din namin ang karumihan ng mantikang ginagamit. Sa kagustuhan ng mga nagtitinda na makatipid, ilang linggo na nilang ginagamit ang iisang mantika sa pagluluto ng kanilang binibenta.

Pagtikim ng Kalamares at IUD sa Divisoria

Nakasiwangwang na French Fries at Maitim na Mantika na pinagpiprituhan ng Bitsu Bistu.

Pinagpiprituhang mantika ng pinaghalong Kalamares, IUD at Betamax.

Maduming paghahanda ng mga pangsangkap at kagamitan sa pagluluto.
Kapansin-pansin din sa ibang mga tindahan na hindi maayos o malinis ang pagka-handa ng kanilang mga sangkap sa pagluluto. Ang tubig din na ginagamit nila sa paglinis at paghugas ng kanilang mga ibinebenta na mga street foods ay maaring may dalang mikrobyo na nag-uuwi sa sakit ng tiyan ng mga mamimili. Kailangan nating tandaan na lahat ng alikabok, dumi at mga mikrobyo ay maaring sumama sa mga tinatangkilik nating street foods.

Manilawnilaw na minatamis na sawsawan ng patok na Kalamares sa Divisoria.
Isang sikat na gawain ng mga mamimili ng street food ay ang “double dip” o ang pagsasawsaw ng pagkaing iyong kinagat na at isinawsaw ulit sa pangkalahatang sawsawan. Habang tayo ay sarap na sarap sa pagkain ng mga pagkaing kalye hindi na natin nabibigyang pansin na iba na ang kulay nito madalas ito ay nagiging manilawnilaw. Sawsaw dito, sawsaw doon. Lingid sa kaalaman natin na nagkakahalo-halo na ang mga laway ng mga mamimili at hindi natin alam kung anong bakterya na nagdudulot ng sakit ang mga narito. Paniguradong mahahawa ang sino mang gumagawa nito.
​

Buko Juice ni Aling Nenang
Kung kakaunti lamang ang inyong budget at nakaramdam kayo ng uhaw at pagod, makakabili rin kayo ng palamig tulad ng Buko Juice sa halagang limang piso. Bagay na bagay itong pamatid uhaw ngunit sa aming interbyu nalaman namin na hindi pala mineral water ang kanilang gamit at noong nakita namin na nilalagyan ng yelo ang palamig wala man lang guwantes o plastik sa kamay ang ginamit. Hindi tayo nakakatitiyak kung ano ang kanilang hinawakan bago nila ilagay ang yelo sa palamig. Bukod doon, ang tubig na ginamit ay hindi dumaan sa pagsusuri at maaring ito may maging positibo sa e-coli bacteria.

Paninigarilyo ng nagtitinda ng Proben habang sila ay nagluluto.
​
​
​
Alam nating lahat ang paninigarilyo ay nakakasama sa ating kaulusugan. Ang Nicotine sa sigarilyo ay nagdudulot ng lung kanser at iba pang mga sakit. Mas masama kung nadidikitan ang iyong pagkain ng usok galling sa sigarilyo at ito ay isa sa mga problemang pang sanitaryo na nakita ng aming grupo habang naglalakad sa Divisoria
​
​

KAKULANGAN
Anu-ano ang mga kulang at dapat gawin?
Interbyu

Manong Jun at ang kanyang tindang mga Chicken Ball.

Paghahanda ng Kalamares ni Kuya Ronald.

Ang anak at apo ni Aling Nenang na si Ate Josie at Berto na aming nakapanayag tungkol sa pagtitinda ng palamig.
Ang street foods o pagkaing kalye ay bahagi na ng kulturang Pilipino. Kahit saang sulok, siyudad o probinsya, napakaraming tao ang tumatangkilik sa mga ito. Hindi maikakaila na ang pagbebenta ng street foods ay isa sa mga kadalasang hanapbuhay ng madami dito sa ating bansa. Ito’y isa sa mga madaling hanapbuhay sapagkat simple lamang - pagtitinda ng pagkain sa simpleng food kart sa lansangan. Sa aming pagdayo sa Divisoria, kami ay naginterbyu ng mga nagbebenta ng mga streets foods doon. Mayorya sa aming mga nakausap ay mahigit kumulang anim na taon ng hanapbuhay ang pagbebenta. Una naming tinanong ang mga kinakailangan o kwalipikasyon upang makapagbenta. Ayon sa kanila, kinakailangan magbayad ng 80 pesos araw-araw bilang permit upang makapagbenta at ito ay sa pamamaraan ng pagkuha ng tiket sa barangay. Ang mga residente lamang din ang maaaring magbenta sa lugar na iyon sapagkat kung tatanggap pa ng taga-ibang lugar mas lalong sisikip. Ang kanila daw kita ay pana-panahon, kapag may mga okasyon daw doon mas malaki ang kita. Si ate Josie at ang kanyang ina ay kumikita ng limang daang piso sa isang araw at si Manong Jun naman ay kumikita ng 1,500 hanggang 2,000 sa isang araw.
​
Hindi lahat ng street foods ay nakakasira sa katawan ng mga tao, ito’y nag dedepende sa kung anong klaseng pagkain, lokasyon kung saan nag luluto, at kung paano niluto. Hindi gaanong ligtas at malinis ang kapaligran ng Divisoria sapagkat madaming mga sanhi na maaaring magdulot ng kontaminasyon sa pagkain. Ang mga open-air stalls ay nakalantad sa polusyon at iba pang mga contaminants sa hangin. Kung kaya’t aming tinanong kung may mga inspeksyon bang nagaganap upang mamonitor ang sanitasyon ng paligid pati na rin ang binebentang street foods. Aming napagtanto na bihira lamang ang nagiinspek at ito’y mga nangongolekta lamang ng basura at naglilinis sa lugar. Bukod dito, hindi daw nila kailangan ang business, sanitary, and health permits. Sa kasong ito, mahirap imonitor ang mga tinatawag na “sanitary practice” gaya ng food preparing, handling, serving, at storing. Sa gayong dahilan, mainam na paalalahanan ang mga tao na mag-ingat sa mga pagkaing binebenta sa kalye.
​

Pagtikim ng grupo sa itinitindang Chicken Ball ni Manong Jun.
Batayan upang Makapagtinda ng Street Food
Noong Oktubre 21, 2017, mas pinaigting ni Mayor Jospeh Estrada na nangangailangan ng sanitary permitang mga tindero ng mga street food sa hepa-lanena matatagpuan sa Morayta, Manila upang mabawasan na ang mga kaso o epidemiko ng mga sakit na nanggagaling dito. Sinasabi rin dito na, ang isang maduming lugar na pinagbebentahan ng mga pagkain ay automatikong magkakaroon ng hepatitis, diarrhea at iba pa.
​
​
Sa Pilipinas may batas nang pinatutupad para sa kalinisan ng mga pagkain. Ang Presidential Decree No. 856 o Code on Sanitation of the Philippines simula pa noong Disyembre 23, 1975. Nakapaloob dito na upang makapagbigay ng mga kinakailangan para sa kalinisan para sa mga establisimiyento ng pagkain at pagtanggi ng mga koleksyon at pagtatapon ng sistema ng mga lungsod at munisipalidad. Sa ilalim makikita ang mga batayan o istandard upang mapanatiling ligtas ang ginagamit sa pagluluto ng pagkain.
Istandard na Kalidad ng Bakteryolohiko

Istandard na Kalidad ng Bakteryolohiko na mula sa isang pag-aaral.
Sanggunian
​
Alamin mo Kasi (n.d) Street Food Retrieved 10/13/18 from https://alaminmokasi.wordpress.com/2012/10/17/isaw-at-laman/
​
​
​
WEPA (n.d) Presidential Decree No. 856 Retrieved 10/15/18 from http://www.wepa-db.net/policies/law/philippines/pd856.htm
​
​
​
Casas B. (2017 October 21) Get permits, ‘hepa lane’ Manila vendors ordered Retrieved 10/15/18 from http://manilastandard.net/news/national/249896/get-permits-hepa-lane-manila-vendors-ordered.html